Maagang Pamaskong Handog ng CAGELCO II

Kabilang sa pagdiriwang ng ika-37 na Anibersaryo ng CAGELCO II, isang Community Outreach Program ang inilunsad upang handugan ang mga mag-aaral, guro, at ilang kababayan natin sa probinsiya ng Cagayan at Apayao na sakop ng Kooperatiba.

Sa iba’t ibang paraan ginunita ng bawat Sub-office at Main Office ang naturang selebrasyon na maituturing na isang maagang pamasko ng CAGELCO II.

Ang Gattaran Sub-Office (GATSO) ay namigay ng school supplies tulad ng lapis, krayola, at papel sa mga estudyante ng L. Adviento Elementary School, Gattaran, Cagayan. Maging ang Ballesteros Sub-Office ay namahagi rin ng gamit pampaaralan sa mga mag-aaral ng Macugay Elementary school, Ballesteros, Cagayan at Quirino Elementary School, Luna, Apayao. Kahon ng tsok naman ang iniabot sa mga guro ng nasabing paaralan.

Sa pamamagitan ng paghandog ng grocery items sa mga AGTAS ng Aridawen, Sta. Teresita idinaos ng Gonzaga Sub-Office ang Anibersaryo ng Kooperatiba. Tatlumpung (30) pamilya ang nabigyan ng noodles, canned goods, at iba pa. Maliban dito, nagbigay din sila ng tsinelas sa mga mag-aaral ng Caroan Elementary School at Minanga Elementary School sa Gonzaga, Cagayan.

Samantala, gamit pamproteksyon sa tag-ulan (kapote at payong) at tsinelas ang ibinigay ng Aparri Sub-Office sa apatnapu’t anim (46) na bata sa Brgy. Rosario, Lallo.

Apat (4) na paaralan sa dalawang distrito ng CAGELCO II ang niregaluhan ng school supplies ng Sanchez Mira Sub-Office. Umabot sa isandaan limampu’t isang (151) estudyante ang kabuuan ng nakatanggap sa Capacuan Elementary School (Sta. Praxedes, Cagayan), Capannikian Elementary School (Claveria, Cagayan), Nagrangtayan-Magacan Elementary School (Sanchez Mira, Cagayan), at Bidduang Elementary School (Pamplona, Cagayan)l.

Ang CAGELCO II Main Office kasama ang Aparri Sub-Office ay nagbigay ng tig-sampung kilong bigas sa limampu’t dalawang (52) residente ng Aparri, Cagayan bilang tulong sa kani-kanilang pamilya.

Ang mumunting ngiti ng mga bata, guro, at magulang ay sapat na upang masabing tagumpay ang pagdiriwang na ito.