CAGELCO II AT MCOs, NAGSAMA-SAMA SA PICKLEBALL CHALLENGE!
APARRI, CAGAYAN – Kakaibang outfit, masayang laro, at pagkakaisa ang tampok sa Open Play Pickleball Challenge ng CAGELCO II na ginanap noong Oktubre 9, 2026, sa CAGELCO II Gymnasium sa Macanaya, Aparri, Cagayan.
May temang “Wrong Outfit, Right Spirit: One Cooperative,” naging mas masaya at makulay ang aktibidad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Cooperative Month at Mental Health Awareness Month ngayong Oktubre.
Lumahok sa aktibidad ang mga empleyado ng CAGELCO II at mga Member-Consumer-Owners (MCOs) sa isang masayang pagtitipon na nagtaguyod ng kalusugang pisikal at mental, pagkakaisa, at aktibong pamumuhay.
Bilang tampok sa palaro, ipinares ang mga empleyado sa mga MCO upang magsilbing magkakampi sa pickleball challenge. Bahagi ito ng hangarin ng Kooperatiba na higit pang mapalalim ang ugnayan sa mga MCOs, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng maaasahang serbisyo kundi maging sa paglikha ng mga pagkakataong makapagsama-sama at bumuo ng mas matibay na samahan sa labas ng pang-araw-araw na transaksiyon.
Isa rin sa mga tampok ng aktibidad ang parada ng mga kalahok suot ang kanilang mga kakaiba, makukulay, at malikhaing outfit na angkop sa tema. Patunay ito na hindi kailangang maging seryoso sa lahat ng oras—minsan, sapat na ang kakaibang porma, malawak na ngiti, at pagiging game upang mas maging masaya ang samahan.
Bukod sa kasiyahan, nagbigay rin ang pickleball challenge ng pagkakataon sa mga empleyado at MCOs na makapag-ehersisyo, makapaglibang, at makapagpahinga mula sa pang-araw-araw na trabaho.
Nagpaabot din ng suporta ang Ogalino Surgical Clinic, Gameyard Aparri, at Mobile Cart, na tumulong upang maging mas masaya at matagumpay ang aktibidad.
Sa CAGELCO II, hindi lamang kuryente ang nagbibigay-liwanag kundi pati ang masasayang sandali, pagkakaibigan, at matibay na ugnayan sa mga MCOs. Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na isinusulong ng Kooperatiba ang isang masigla, malusog, at nagkakaisang pamayanan.
Photo Gallery
9 photos