CAGELCO II, NAKIISA SA 2026 NEA-EC SIMULTANEOUS LINE CLEARING AND TREE PLANTING ACTIVITY
Bilang bahagi ng patuloy nitong adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng ligtas at maaasahang suplay ng kuryente, nakiisa ang Cagayan II Electric Cooperative, Inc. (CAGELCO II) sa 2026 NEA-EC Simultaneous Line Clearing and Tree Planting Activity na isinagawa ngayong Nobyembre 6, 2026, sa pangunguna ng National Electrification Administration (NEA), katuwang ang 121 Electric Cooperatives (ECs) sa buong bansa.
Sa nasabing aktibidad, kabuuang 150 punla ng Fire Tree ang itinanim sa Gattaran, Cagayan, sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Gattaran, MENRO-Gattaran, BJMP-Gattaran, mga mag-aaral na kabilang sa Alternative Learning System (ALS) ng Gattaran, at mga opisyal ng Barangay Centro Norte, Aguiguican, L. Adviento, Casicallan Norte, at Casicallan Sur.
Samantala, 15 kilometrong linya ng kuryente sa kahabaan ng highway sa Gattaran, Cagayan, ang nilinis sa pamamagitan ng line clearing operations na pinangunahan ng mga lineworkers ng kooperatiba.
Hindi man ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng ganitong aktibidad ang CAGELCO II ngayong taon, patunay ito na hindi kailanman sobra ang pagkilos para sa kalikasan. Matapos ang malawakang tree planting at line clearing activity na isinagawa noong nakaraang Agosto, muli nitong ipinakita na ang pangangalaga sa kapaligiran at pagpapanatili ng kaligtasan ng mga linya ng kuryente ay hindi natatapos sa iisang aktibidad lamang. Sa halip, nangangailangan ito ng tuloy-tuloy na malasakit, pagkakaisa, at sama-samang pagkilos.
Ang ginanap na tree planting at line clearing ay pinangunahan nina CAGELCO II Board President Marilyn B. Donato, Board Auditor Teofilo A. Acosta, at mga Board Members na sina Dir. Gilda A. Rabanal, Dir. Monette V. Caliva at Dir. Lenie P. Dones, kasama si General Manager Engr. Rudolph Q. Adviento at mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng kooperatiba at ng Magapit Sub-Office.
Photo Gallery
3 photos